May 2012
M T W T F S S
« Mar    
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
28293031  

Tungkol sa Awtor

Ako'y isang estudyante sa kolehiyo na may kaunting kaalaman sa pagsusulat at nais pang hasain ang sarili sa paggawa ng mga sulatin.

Mula sa isang munting interes, narito ako ngayon upang isulat ang anumang walang saysay at makabuluhang mga bagay na siyang magbibigay aliw sa ating imahinasyon at maghahatid ng inis sa mga taong matatamaan  (kung meron man).

Message Board

jason:

wow.. nakapaganda naman po ng mga sulat nyu.. fan po ako

jason:

wow.. nakapaganda naman po ng mga sulat nyu.. fan po ako

carlo:

good luck tol ..

kim:

wag kang mag.alala i.propromote kita sa mga friends ko

balintataw:

sana nga… :)

kim:

sana manalo kayo

balintataw:

salamat Kim. :)

balintataw:

hi kim. :)

kim:

hello,,,,ang galin-galing niyo pong magsulat

kim:

hello

balintataw:

salamat Dennis. :)

Dennis:

Nice one Ed! :) You shouldve told me about your blog earlier.. hahaha GOod luck!

jarabs:

mabagal lang talaga mag-load itong site mo ser

jarabs:

ser, paano ko po kayo maa-add sa aking blog. baguhang blogger ako, blogspot po. narito po ang address www.engineerstransit.blogspot.com

Ahmad:

Ayun! sa wakas, nagLOAD na rin. Keep it up! bantayan ko to :-D hehe. Follow my Blog too.

jobs philippines:

newest jobs available online :)

Mobil Keluarga Ideal Terbaik Indonesia:

http://toyota.add-news.com/toyota-hybrid-mobil-masa-depan/
http://toyota.add-news.com/alphard-mobil-elegan-dan-nyaman-untuk-keluarga/

shapesandpounds-review:

links exchange?? ;)

Pacquiao vs Mosley:

http://www.pacquiaovsmosley.info/

Philwebservices:

I enjoyed reading, really! I hope you can come up with more interesting post.

Leave a message ▼

Recommendations

Recent Photo

Sponsored Links

Iba ang ligayang dala ng paglalakbay sa alala at imahinasyon.

Panaghoy ng Dyipni

March 31, 2011

Nangangamba akong wala nang mapakain

na langis sa aking kumakalam na makina

ang aking among naghihingalo na

sa paghahanap ng kanyang sariling kakainin.

 

Ang pamasahe din ay dagdag pang problema

lalo na sa pasaherong nais magtungo

sa pabrikang kulang-kulang ang sweldo

o unibersidad na ginto ang pangmatrikula.

 

At sa aking hinagpis

sa pagkagutom sa langis –

Makina ko’y iingay

itim na usok ibibigay.

Ngunit sa inyong hinagpis

sa gutom na tinitiis

Kayo rin ay mag-ingay

ibalik ang bunga ng kanilang ibinibigay.

 

Ang aking panaghoy ay ‘di maririnig

ng papet na gobyernong ‘di nakikinig.

At wala rin naman akong magagawa

kun’di ang tumigil pasada muna.

 

Ngunit kung ang inyong tinig,

ang tinig ng karamihan, ng mamamayan,

ay ‘di pa rin nila kayang pakinggan –

Aba! Kumilos ka na kaibigan!

 

PS:Entry sana para sa TULAGALAG KONTRA OIL PRICE HIKE. :)

Posted by balintataw at 4:40 pm | permalink | comments[1]

Lighter at Foil

March 12, 2011

‘Methamphetamine Hydrosuicide’, este,’…Hydrochloride’, (kanta nga pala ng Radioactive Sago Project ang ‘Methamphetamine Hydrosuicide’) ito ang siyentipikong ngalan ng isa sa pinaka-tanyag na inaabusong droga sa Pinas.  ‘Shabu’ ang kadalasang tawag dito.

Marami na ang nalulong.

Kay rami na ng naaadik.

At mukhang ‘di na rin mabibilang pa ang dami ng taong maliligaw ng landas sa paniniwalang ito ang kanilang lakas.

Naalala ko tuloy bigla yung minsang nabasa kong libro ni Bob Ong na pinamagatang ‘MacArthur’. Ito’y patungkol sa istorya ng isang barkadang nalulong sa shabu.

MacArthur.

Ginagamit din ang terminolohiyang ito sa kalye upang tukuyin ang ‘taeng bumalik sa inidoro matapos mong buhusan’.

Oo. TAE.

Ang sarap ng feeling matapos mong dumumi — tulad ng sarap ng pakiramdam na dala nitong shabu.

MacArthur.

Pagkatapos ng epekto, ikaw lang din ang makakaamoy ng baho ng masamang epektong babalik sa’yo.

Isa sa ginagawa nito sa katawan ay ang pilit na pagpapalabas ng iyong utak ng tatlong klaseng hormones.  Isa na rito ang ‘dopamine’. Ang dopamine ay isang hormone na nakakapagpasaya at nagpapaganda ng pakiramdam ng tao. Kadalasan itong inilalabas sa natural na paraan ng iyong utak sa tuwing may kaaya-ayang pangyayaring dumarating sa buhay mo. Kaya ang epekto — ang nakagamit nitong drogang ito ay sumasaya ng husto , kumbaga ay ‘high‘.

Dahil nga sa labis-labis na pagpapalabas nito ng hormones sa utak ng taong naka-shabu, matapos ang epekto nito, nagiging matamlay at malungkutin ang tao. At syempre, ang paraan upang muling sumaya: gumamit nitong muli.

Marami pang dahilan kung bakit madaming nadadala at nalulong sa drogang ito. Maaaring ito’y dala ng maling barkada, paghahangad ng kasiyahan, o ‘di kaya minsa’y dala na rin ng kawalan ng magawa sa buhay. Mas mura nga naman yata ang presyo nito ngayon kumpara sa edukasyon.

Ngunit kahit ano pang sabihin natin sa kasiyahang dulot nito, sa huli, ang gumagamit pa rin nito ang talo. ‘Di naman siguro ito ipagbabawal kung wala itong masamang epekto sa katawang ng gumagamit nito, ‘di ba?

Maraming paraan upang tumigil. Hangga’t may hininga ka pa, hindi pa huli ang lahat.

Hanapin mo ang makapagpapasaya sa’yo.  Ikaw lang din ang nakakaalam nito.

Pare, mahalin mo ang sarili mo.

Posted by balintataw at 12:15 am | permalink | Add comment

Sa Paghahanap ng ‘Pag-ibig’

March 5, 2011

 

Maraming pagkakataon nang sinubukan kong hanapin ang ‘pag-ibig’.  Maka-ilang ulit nang nasaktan, lumuha, nandaya, naloko, nauto, at inakalang nakamtan ko ang ‘pagmamahal’ na noon pa ma’y hinahanap-hanap ko.  Kung kailan ito makakamtan – ako rin ang magdedesisyon.

 

Mali bang hanapin ang ‘pag-ibig’?

 

Sa aking opinyon – oo.

 

Sa dami ng mga pagkakamaling naranasan ko sa paghahangad nito, ‘di malayong ako’y matuto mula rito.  Ika nga nila “Ang karanasan ang pinakamainam na guro.”  Narito ang ilan sa mga natutunan ko:

 

  • Kung pakiramdam mong walang nagmamahal sa’yo – malamang ‘di mo mahal ang sarili mo.
  • Kung naniniwala kang mahal mo ang sarili mo, bakit tila kinakailangan mo pang hanapin ang magbibigay sa iyo ng pagmamahal?
  • Di mo magagawang magbigay ng pagmamahal sa ibang tao kung ikaw mismo ay ‘di kayang mahalin ang sarili – tulad ng taong nais magbigay ng damit sa isang taong hubo kahit siya’y walang saplot.
  • Sa oras na magawa mong mahalin ang iyong sarili ngunit tila naghahanap ka pa rin ng pagmamahal, nasa Diyos ang hinahanap mo.
  • Diyos lamang ang makapaghahatid sa iyo ng pagmamahal na higit pa sa nasasakop ng iyong kamalayan at pangarap.
  • At ang pinakahuli sa listahan ko dito: ‘di mo nga naman talaga kinakailangan pang hanapin ang ‘pag-ibig’ dahil nga ‘ang Diyos ay Pag-ibig’ at Siya ay nasa loob mo – nasa puso mo.

 

‘Di mo kailangang malungkot.  Mas lalong ‘di kinakailangan ng droga upang makamtan ang kaligayahan.

 

Kasama ng pagmamahal ang kasiyahan.

 

Kasama ng Diyos ang tunay na pagmamahal at kaligayahan.

Posted by balintataw at 3:08 am | permalink | Add comment

Marka

February 1, 2011

Itim na ulap

     nagbabadya

     sa muling pagpatak

     ng luha.

 

Sulat ng lapis

     nabubura

     di tulad ng marka

     ng tinta.

 

Paano na’t

     luha ko

     ay tinta?

Posted by balintataw at 7:55 pm | permalink | Add comment

Ako si Isko

November 20, 2010

Ako si Isko.

Matalino’t matiyaga
kaya nga’t pinapaaral ng buwis
na binabayaran ni nanay at tatay
at buwis ko –
sa kada stork na binibili.

Ako
si Isko.

Mahirap ang buhay
pagkat ‘di rin madaling kumita
ng panggastos sa pagkain
at pangtustos
sa libro’t pangmatrikula.

Ako
si
Isko.

Iskolar ng Bayan
ngunit ‘di maintindihan
kung mayroon pa nga bang kaibahan
ang pampubliko
at pribadong paaralan.

Ako
si…
Isko?

Kulang na ang badyet
para sa tulad ko ngayon.
Paano na ‘yan…
babawasan pa
sa susunod na taon.

Posted by balintataw at 6:16 am | permalink | comments[1]

Ikalawang Semestro: Panahon ng Pagpapatala

November 3, 2010

Sa mga tulad kong nasa kolehiyo, isa sa mga maituturing na panahon ng bumabahang problema ay ang enrollment period o panahon ng pagpapatala — lalo na siguro kung nasa ‘State U’  ka, tulad ko.

Halo-halong problema — halo-halo ring emosyon.

 

Problema sa subject na wala pang grado noong nakaraang semestro –  pangamba at pagaalangan sa gradong makukuha.  Pagkalito kung kukunin mo ba itong muli o kukuha ka na ng susunod na subject dito. 

May ilang mga propesor na ginigipit ang pagbibigay ng grado sa kanilang mga estudyante gaya ng naantalang sweldo na tatlong buwan na nilang ‘di nakukuha.  Nariyan din ang ilang mga tagapagturo na sadyang pinaparanas lamang ang mga magaaral ng paghihirap tulad ng naranasan nila noong sila’y mga estudyante pa.

Subalit mas madalas — kapabayaan lang din ng estudyante mismo kung kaya’t ‘di pa rin s’ya nakakakuha ng grado.  Binibigyan lang ng karagdagang oras ng maawaing propesor ang magaaral upang bumawi sa mga kakulangan niya noong nakaraang semestro.

 

Problema sa kakulangan ng mga yunit na naipatala –  sakit sa ulo at di-pagkakuntento.  Nakakapanghinayang ang ilang mga subjects na maaari mo sanang kunin sa darating na semestro ngunit ‘di mo makuha-kuha.

Madalas nagkukulang ang mga subjects na inihahain ng unibersidad dahil na rin sa kakulangan ng ating pamahalaan.  Nagkukulang na ang bilang ng mga nagtuturo.  Kulang ang pasahod.  Kulang ang mga klasrum.  Kulang ang pasilidad ng unibersidad.  Kulang ang badyet sa edukasyon. 

Ngunit ang nangyayari — ang mga estudyante ang nasisisi. Kasalanan nga daw ng mga estudyante.  Kung naging maaga lang daw sanang nagpatala, malamang ay ‘di nasaraduhan ng subject.  Kasalanan nga naman daw ng mga estudyante.

 

Problema sa pangmatrikula — sakit sa bulsa at pagkabalisa kung saan hahagilapin ang kinakailangang pambayad.  Dagdag na naman sa pagkahaba-habang listahan ng utang at pangalan ng pinagkakautangan.

Iskolar ng bayan ang tawag sa mga magaaral ng mga pampublikong kolehiyo at unibersidad.

Iskolar?

Iskolar ang tawag, pangalan, o titulo.

Marahil ay hanggang sa pangalan na nga lamang ito at wala na rin masyadong kahulugan.  Lalo na’t mayroon na namang nakaambang budget cut sa mga State Universities and Colleges sa susunod na taon.  At habang patuloy na lumiliit ang badyet sa edukasyon ay patuloy ring nawawala ang kahulugan ng pagiging ‘iskolar ng bayan’ — at unti-unti ring nawawalan ng dahilan ang kabataan upang matuto sa loob ng klasrum.

 

Natural na ang problema sa tao.

Ngunit natural pa rin ba ang mga problemang dala ng maling sistema at ng maling pagpapalakad ng gobyerno?

Natural bang magdala ng problema ang edukasyon na sana’y karapatan ng bawat tao?

Karapatan.  Iskolar ng bayan.  ‘Di ko na alam ang kahulugan ng mga salitang ito sa kadahilanang ‘di ko na rin nararamdaman ang kahulugan nito.  

Ewan ko.

Bagong semestro.  Lumang mga problema.  Paulit-ulit na problema.  Ang dahilan?  Ewan ko.  Marahil ay alam mo.

Posted by balintataw at 9:01 pm | permalink | Add comment

Pananampalataya, Paniniwala, at Pagtitiwala

October 17, 2010

  (Ang sulating ito ay nagmula sa nauna kong blog. http://pagbabalik-ni-juan-tamad.blogspot.com/ )

Pananampalataya - ito ang kasingkahulugan ng salitang “faith” kung pagbabasehan ang relihiyon. Kung sumasampalataya ka sa Diyos, faithful ka. Pero ano nga din ba ang kahulugan ng pananampalataya?

Madaming pwedeng sambahin ang tao. Iba’t ibang diyos para sa kanilang iba’t ibang bisyo, hilig, o nais. Merong diyos na pera, diyos na damo, diyos na bato, diyos na alak, diyos na laro, diyos na website, diyos na chicks, diyos na macho, diyos na emosyon, diyos na hayop, diyos na kahayupan at tawag ng laman at kung anu-ano pang diyos-diyosan na ngayo’y naglipana sa sanlibutan. Iilan lamang ito sa mga bagay, hayop, tao, at emosyon na ngayon ay hinahanap-hanap na ng sangkatauhan. Ito ang kanilang nais… ang kanilang pinaniniwalaan… ang kanilang pinagkakatiwalaan sa buhay… ang kanilang sinasampalataya.

Mahirap bigyan ng kahulugan ang pananampalataya pero mas madaling malaman ang kahulugan nito kung alam natin ang epekto nito.

Isipin mo ang mga taong lulong sa droga sa lugar niyo. Ano ba ang kanilang turing sa droga? Naniniwala silang ito ang siyang magbibigay ng lakas, ng saya at ligaya, ng kakaibang tama. Ito ang kanilang pinagkakatiwalaan upang magtawid sa kanila sa marupok na tulay ng buhay. Ito ang kanilang pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan na magkontrol sa kanilang katawan, kilos at galaw, at magdikta sa patutunguhan nila sa buhay.

Paniniwala at pagtitiwala — ito ang dalawang elemento na na siyang pinakamakapagbibigay kahulugan sa salitang “pananampalataya.” Kung naniniwala ka at nagtitiwala ka sa isang bagay, maaari nang sabihing may pananampalataya ka dito.

Pero sapat na ba ang kahulugang ito para sa pananampalataya?

Kung relihiyon ang pag-uusapan, iisa lang tunay na pananampalataya — ang pananampalataya sa tunay na Diyos. Ang Diyos na may likha ng langit at lupa, ng mga bituin sa kalangitan, ng buong kalawakan. Ang Diyos na siyang nagbigay ng buhay sa iyo, sa kanya, sa akin, at sa ating lahat.

 

Paniniwala.

Kung ang adik ay naniniwala sa magandang epekto ng droga sa buhay nila, ang tunay na nananalig sa Diyos ay may paniniwala din sa Kanya. Pero ‘di ito isang simpleng paniniwala. Ito ang tipo ng paniniwala na nabubuo nakita mo man Siya o hindi.

Marahil ay magtatanong ka:”Paano mapapaniwalaan ang isang bagay na ‘di naman nakikita, nahahawakan, naamoy, naririnig, o nararamdaman man lang?”

Oo. Mahirap nga naman talagang paniwalaan ang isang bagay na ‘di nakikita, nahahawakan, naamoy, naririnig, o nararamdaman man lang. Pero kung tatanungin kita kung naniniwala ka bang may utak ka, ano kaya ang isasagot mo? Malamang “Oo.” Pero ‘di ba’t ‘di mo rin naman ito nakikita, nahahawakan, naamoy, naririnig, o nararamdaman man lang?

Maaari mo na namang sabihing “E madami namang pruweba ang siyentipiko noon pa man na may utak ang tao, syempre maniniwala talaga ako.”

Kung pruweba ang hanap mo, sa korte ang mga witness ay sapat nang pruweba sa isang pangyayari. At sasabihin ko sa’yo, ‘di lamang isa kun’di ‘di mabibilang na dami ng tao na ang saksi na merong Diyos na gumagabay sa atin — isang Diyos na magpamahal at maalaga at naniniwala din sa iyo at sa akin. Kung gusto mo naman ng isang bagay bilang ebidensya nga — pumunta ka sa isang bookstore, magdala ka ng pera, lumapit ka sa saleslady at tanungin mo kung meron ba silang “Bibliya.” Basahin mo araw-araw kahit pakonti-konti lamang ang librong iyan at meron ka nang ebidensya patungkol sa Kanya.


Pagtitiwala.

Kung ang adik ay nagtitiwala sa droga upang kumontrol sa kanilang katawan, pag-iisip, kilos, at galaw — ganoon rin ang tunay na pananampalataya sa Diyos.

Ang tunay na pananalig sa Diyos ay ang pagtitiwala sa Kanya sa kung ano man ang maaaring mangyari sa buhay mo. Alam ng Diyos ang lahat — ang kahapon, ngayon, at bukas. Alam niya kung ano ang maganda at ano ang hindi. Alam niya ang makapagpapasaya sa’yo at maghahatid ng lungkot. At ang tunay na pagtitiwala sa Kanya, ay ang pagtitiwala na alam Niya ang pinakanakabubuti para sa iyo at ito rin ang ibibigay Niya sa iyo.

Ang tunay pananampalataya ang nangangailangan ng tunay na paniniwala at pagtitiwala. Paniniwala kahit na nakikita mo o hindi nakikita. At pagtitiwala — pagtitiwala sa Diyos na kailanma’y ‘di ka Niya pababayaan o iiwan.

Posted by balintataw at 6:53 am | permalink | Add comment

Pagkukulang

 (Ang sulating ito ay nagmula sa nauna kong blog. http://ako-si-juan-tamad.blogspot.com )

 Umaga na naman — isang bagong pagkakataon upang bumawi sa mga nagawang pagkukulang at punuin ang ano mang kulang sa buhay mo.

Lahat ng tao ay may pagkukulang.

Lahat tayo, ay nabubuhay ng kulang.

Mahirap man ay kailangan nating tanggapin ang katotohanang ito. Tila ba nakakabit na sa buhay ng tao ang pagkukulang.

Nagkulang ang sweldong natanggap ng mga magulang mo kung kaya’t kapos ang iyong pangmatrikula. Nagkulang ang pangmatrikula mo kung kaya’t napilitan ka na ring magtrabaho habang nag-aaral. Nagkulang ang oras mo sa pag-aaral dahil sa iyong pagtatrabaho kung kaya’t kulang ang natanggap mong grado. Kulang ang natanggap mong grado upang ikaw ay makakuha ng magandang trabaho kung kaya’t kulang din ang iyong sweldo para sa pamilya mo.

Pabalik-balik lang ang pagkukulang.

‘Di natatapos.

Marami pang klase ng pagkukulang ang dumarating sa buhay natin at tiyak ay magkukulang din ang espasyo at oras para maisulat ang mga pagkukulang na ‘yon.

Pero isipin mo na lamang — paano kaya kung walang kulang? Paano kaya kung imposibleng magkaroon ng kulang?

Edi ‘di na kulang ang gradong matatanggap mo. Di na kulang ang kinakain mo. Di na kulang ang kaalaman mo. Di na kulang ang pera sa bulsa mo. Di na kulang ang lahat ng pangangailangan mo. Di na kulang ang kaibigan mo. Syempre, di na rin makukulangan ang pera ng gobyerno. Di na kulang ang pagaanihan ng mga magsasaka. Di na makukulangan at mawawala bigla ang mga pasimuno ng rally. Baka nga wala na ding rally kung wala nang kulang, tutal naman wala na ding dahilan para mag-rally.

Pero kung wala nang kulang, ano pa ang hihingiin mo sa iyong Panginoon?

Ano pa ang rason upang ika’y lumapit sa Diyos?

‘Di ba’t madalas na ang tao’y tumatawag lamang sa Diyos sa oras ng pangangailangan at kung sa buhay nilay may pagkukulang? Kung mawawala ang mga pagkukulang ay tiyak may mga taong makakalimot sa Diyos.

Di rin naman masama kung may konting kulang sa buhay mo. Ang di lamang maganda ay ang mga pagkukulang na dala ng sariling kapabayaan — pagkukulang na di mo masisisi kaninuman.

Lahat tayo ay may mga pansariling pagkukulang. Minsan ang sagot dito’y hanapin ang kulang na iyon at pilitin itong abutin. Kadalasan nama’y solusyon dito ay ‘pagkakuntento’. Kung matututo kang makuntento at may sapat na pananalig sa Diyos, wala ka nang hahanapin pa sa buhay mo. Wala ka nang hahanapin kun’di Diyos lang mismo.

Posted by balintataw at 6:52 am | permalink | Add comment

Sinong Tamad?!

 (Ang sulating ito ay nagmula sa nauna kong blog. http://ako-si-juan-tamad.blogspot.com )

‘Sinong tamad?! Ako? Nagpapahinga nga lang yung tao, eh! Mamaya na ma!’ — Ito ang kadalasan kong sagot sa oras na nagwawala na naman ang ermats ko sa bahay dahil nga daw napakatamad ng kanyang butihing anak. Paano kasi, ‘di ko na naman sinunod ang iniutos sa akin.

Pero sino nga ba talaga ang tamad?!

‘Di ba’t katamaran din ang magutos nang magutos nang wala ka din namang ginagawa?

‘Di ko sinasabing tamad ang mahal kong ina. Nais ko lamang ipakita sa unang parte ng sulating ito ang dalawang klase ng tamad: ang tamad dahil di mautusan, at ang tamad dahil walang ibang ginawa kundi ang magutos (’di ganyan ina ko, inuulit ko lang).

Kung pwede mong gawin, gawin mo. Pero kung pwede nilang gawin, hayaan mong sila ang gumawa. Dahil kung magpapauto ka lang din, parang tinuruan mo na rin silang maging tamad.
Masasanay at masasanay sila, at di kalaunan, magiging abusado na sa iyo. At sa oras na mapansin mong umaabuso na, mawawalan ka ng gana, at mapagsasabihan kang tamad ka. Mauuto ka at iisipin mong tamad ka nga lang talaga. Pero sa katotohanan, nagsawa ka lang sa trabahong ‘di naman dapat sa iyo.

‘Di ko di sinasabing ‘di ka dapat magserbisyo sa kapwa mo. Ang punto ko dito ay kung magbibigay ka ng serbisyo, ibigay mo kung kinakailangan nga talaga ng tao. Pero kung bunga lang ito ng pangangailangan ng kanilang katamaran, wag mong tanggapin.

‘Di katamaran ang pagpapahinga… kung pagod ka! Katamaran din kasi ang pagpapahinga kung ‘di ka naman nangangailangan nito. Pero ‘wag mong kalimutan ang biyayang ito na maari mong gawin sa oras ng kapaguran. Katamaran din ang ‘di pagpapahinga kung pagod ka na. Kasi kung ‘di ka magpapahinga kahit na alam mong ‘di na kaya ng katawan mo, para kang gumagawa ng dahilan upang magkasakit nang sa gayon ay makatakas sa mga tungkulin at responsibilidad mo.

Madaming klase ng tamad.

‘Di ako tamad.

Sino sa tingin mo ang tamad? Ang inuutusan na ayaw magtrabaho, o ang taong puro utos lamang ang ginagawa?

Sino nga ba talaga ang tamad? Ikaw? Siya? Ako, baka. Baka ako nga!

Posted by balintataw at 5:40 am | permalink | Add comment

Gutom

(Ang sulating ito ay nagmula sa nauna kong blog. http://ako-si-juan-tamad.blogspot.com )

Minsan naiisip ko — paano kaya kung maging taong grasa ako?
Gutom.

Napapaisip ako kung ilang bilyong tao sa mundo ang nakakaramdam ng gutom sa mga oras na ‘to. O baka nga ako lang talaga ang gutom ngayon.

Walang kinakain.

Walang makain.

Walang makakain.

Walang pagkakataon para kumain.

Walang pera pambili ng pagkain.

At wala ding nagbabalak magbigay ng pagkain dahil nga sa pandidiri sa umaalingasaw na amoy at kutis grasa na balat ko.

Gutom na ako.

Ang maari ko lamang gawin sa mga oras na ito ay humiga sa isang tabi, dala ang sirasirang karton na nakuha ko sa may basurahan ng isang tindahan, at tumingin na lamang sa nakasisilaw na apoy ng langit.

Isang apoy na lalong nagpapaitim sa balat ko. Apoy na tumutusok hanggang sa kailaliman ng katawan ko.

Ang maari ko lamang gawin sa mga oras na ito ay magtiis.

Kayanin na ‘di pansinin ang sigaw ng aking tiyan na walang laman.

Darating din ang gabi.

Ang oras ng tunay na liwanag para sa tulad kong taong grasa. Sa oras na magsara na ang mga mamahaling kainan, tsaka pa magsisimulang magbukas ang munting liwanag para sa kumakalam na sikmura kong ito. Sa munting basurahan ng mga pagkaing tira-tira, doon makikita ang buong araw kong hinahanap-hanap.

Pagkain.

Basura ang tawag nila dito. Ngunit para sa akin, ito’y pangarap. Ito ang tanging magtatawid sa akin sa kabilang araw. Kung wala nito, maaaring hanggang ngayon na lamang ang buhay ko.

Ngunit habang maaga pa, ako’y iidlip muna.

Dito sa ilalim ng nagbabagang araw.

Sa ibabaw ng munting karton.

Sa gilid ng makipot na langsangan ng buhay…

Posted by balintataw at 5:24 am | permalink | Add comment

Basura

(Ang sulating ito ay nagmula sa nauna kong blog. http://ako-si-juan-tamad.blogspot.com )

Trapik na naman ang kalye ng Quirino Avenue.

Pumara ka ng isang hataw na dyip na may binatang drayber at nagpapatugtog ng napakalakas na sigaw ng mga bokalista ng Slapshock.

Anim na tao pa lang ang nasa dyip kasama ka na, ang binatang drayber, ang alalay na barkada nito, at ang tatlo pang pasahero.

Nasa bente anyos pa ang drayber. Grabe kung magmaneho. Kala mo naglalaro ng Crazy Taxi o kaya NFS: Most Wanted sa bilis ng pagpapatakbo. ‘ Yun bang tipong konting preno na lang nya ay tatalsik ka na pinakaharap mula sa pinakalikod na upuan.

Yung alalay naman na barkada niya ang nagsisilbing disk jockey ng dyip. Hanep sa trip. Kundi Slipknot ang ipapalit na CD, papalitan naman niya ito ng Dream Theatre.

Sa bandang dulo sa gawing kaliwa ng drayber ay may pormang emo. All black. One side ang buhok. Naka Vans na sapatos, stripe na medyas, at eyeliner na napakakapal at mukhang blackeye kung titignan sa malayo. Nag-heheadbang siya kaya nalito ka kung maka-emo ba talaga sya o maka-metal. Pero isa lang ang sigurado mo - yun ay baduy siya.

Nandun din sa bandang kaliwa si Lola na patuloy na nagrereklamo sa napakalakas na sound trip ni DJ.

Sa kanan naman ay isang napakaganda at seksing babae. Maputi at tsinita. May matangos na ilong, mga labing ’sing pula ng mansanas, at katawan na parang bote ng coca-cola. Naka suot ito ng uniporme ng nursing. Type mo sya kaya’t medyo umusog ka pa upang mas mapalapit sa kanya.

Pag-usog mo ay meron kang napansin na nilukot na papel. Itatapon mo na sana sa dilaw na trash can na may nakadikit na istiker ng Maxx nang mapansin mong may berdeng papel na nakaipit dito.

Patago mong binuksan ang lukot na papel sa pag-asang may Isang libo nga na laman ito. At sa pagbuklat mo ng papel na ito ay tumama nga ang hula mo. Problema lang, isang libong papel na play money lang pala ang laman nito.

Tumingin ka kay lola at nakita mong nahuli ka n’ya. Pinagtawanan ka tuloy ni lola.

Binasa mo ang nakasulat dito…

“Akala mo ang swerte mo ngayong araw na ‘to noh? Asa ka pa!
Pero alam mo, sa totoo lang, bilib ako sa’yo.
Ang bait mo tsong!
Hamakin mo ba naman bang magpulot ng basura na ‘di sa kanya at ‘di rin sa lugar niya?
Grabe…
Alam mo pre, sana, kung sana lang, sana lahat ng Pinoy tulad mo.
May pagmamahal sa bayan. Sa simpleng gawaing tulad ng ginawa mo kanina, di na magmumukhang payatas ang buong Pilipinas.
Di na magiging Republika ng Basura ang bayan natin, ang bayan mo, at bayan ng magiging anak ng mga anak natin.
Wag ka sanang magsawa sa pagiging modelong mamamayan pagdating sa kalinisan.
Nawa’y ipagpatuloy mo ang simpleng gawain na makatutulong sa atin. Malay mo, makita ka ng mga pulitiko at makonsensya sila upang ibigay na ang tamang sweldo sa mga naglilinis ng kalsada at di na ito kurakutin pa.
Malay mo.
Malay mo lang.
Di natin tiyak ang bukas.
Subukan lang natin kaibigan ko…

PS: pasensya na sa pekeng isang libong piso. Na-biktima ako nyan kanina ng batang sumakay dito eh. Hehe. Ingat”

Napangiti ka at tinapon mo nang tuluyan ang papel.

Paglingon mo sa kaliwa mo ay nakita mong nakangiti si Ms.Nurse at nakipagkwentuhan ka.

Swerte mo talaga ngayong araw na ‘to!

Posted by balintataw at 5:19 am | permalink | Add comment

Panimula

Kung nagtataka ka kung bakit ‘Balintataw‘ ang naisipan kong pamagat ng munting blog ko, okay lang yan, pareho tayo.

Minsan kasing naisipan kong maglakwatsa sa kung anu-anong websites sa internet upang maghanap ng mga malalim na salitang Filipino na magagamit kong pamagat ng bagong blog ko. Syempre yung gusto ko pa-deep. Yung tipong pamagat pa lang mukhang malalim at kritikal nang magisip ang manunulat (ako).

At yun na nga, tulad ng iba, naligaw sa ilang mga porn sites na siyang naghahatid ng kamunduhang kaligayahan at pagkainis dahil sa libo-libong makapanirang-ulo-at-computer na mga virus. Buti na lang at nasa computer shop ako ng gawin ko yun kaya’t pinatay ko na lang yung mukhang-kailangan-nang-ireformat-na-computer, lumapit sa bantay, sinabing naghang bigla ang computer nila, at lumipat ng ibang computer na mabibiktima, este, magagamit. *ehem*

(Balik muna tayo sa pinaguusapan natin kanina.)

Matapos ang ilang oras ng pananaliksik sa mga ‘di kilalang website at forums para sa isang pa-deep na salitang Filipino ay nakita ko rin, sa wakas, ang hinahanap kong magiging pamagat at pangalan ng blog ko: Balintataw.

Kung ang pagbabasehan ay ang forum na napasukan ko, ang kahulugan daw nito (ayon sa nagpost nito sa forum) ay ‘imahinasyon’.

Oo.

Imahinasyon.

Sabi ng nagpost sa forum.

Kaya’t dali dali akong humanap ng libreng blog site na Pilipinong Pilipino at di pa nagagamit ang salitang Balintataw. At doon nagsimula ang http://balintataw.i.ph/ .

Matapos ang ilang araw ng katamaran ay naisipan ko na ring gumawa ng pinakaunang sulatin ko sa blog na ‘to.

Medyo nalito rin ako kung anong gagamitin kong pamagat nitong unang post ko — kung “Panimula” ba, o ‘di kaya’y “Introduksyon”. Kung kaya’y nanood ako ng paborito kong WOTL (i-Google ang video nang malaman) ni Lourd de Veyra at doon naliwanagan ang isip ko na mas astig ang pamagat na “Panimula”.

(Balik ulit tayo sa main topic.)

Nais kong matiyak sa kahulugan ng Balintataw at sadyang ikinagulat kong malaman mula sa ibang website na ang kahulugan daw nito ay ang pupil o yung itim na bahagi ng mata at sa iba naman ito raw ay ‘alaala’.

“Jackpot!” sabi ko.”Mukhang sa wakas ay magkakaroon na ako ng blog na may magandang pangalan!”

Naisip kong maaari kong paglaruan ang mga susunod na mga sulatin na maidaragdag ko dito sa mga tema ng ‘mata’, ‘alaala’ at syempre ‘imahinasyon’.

Tumpak nga naman ‘di ba?

Dahil sa mata dumadaan ang ang mga imahe ng mga pangyayari sa buhay natin na siyang nagsisilbing alaala at kadalasang sumasali sa laro ng isipan na kung tawagin ng karamihan ay ‘imahinasyon’.

Ngunit sa ngayon, alam kong mas magaan na ang loob ko dahil sa wakas ay nasimulan ko na rin ang magsulat muli.

Sa wakas ay maipahihiwatig kong muli ang tinig mula sa kaibuturan ng aking puso at isipan — ang tinig ng pagsusulat. 

Posted by balintataw at 3:46 am | permalink | comments[3]